BAGONG TESDA CHIEF ITINALAGA
MAYROON nang bagong director general ang Technical Education And Skills Development Authority makaraang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Negros Occidental Rep. Jose Francisco ‘Kiko’ Bantug Benitez.
Sa anunsiyo ng Presidential Communications Office, ang pagtatalaga kay Benitez ay kasunod ng pagbibitiw ni Suharto Mangudadatu noong July 31 dahil naghahanda ito sa pagtakbo sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon.
Nagpahayag ng pagtitiwala ang Marcos administration sa kakayahan ni Benitez para pangasiwaan ang TESDA at isulong ang mga layunin nitong paigtingin ang technical skills ng mga manggagawang Pilipino, at itulak ang panghabambuhay na oportunidad para matuto.
Nagpasalamat din ang Office of the President kay Mangudadatu na nag-alay ng serbisyo at nag-ambag sa TESDA sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Inaasahan namang mag-a-assume sa kanyang bagong posisyon si Benitez sa lalong madaling panahon at ilalatag ang kanyang strategic priorities para sa TESDA sa mga darating na linggo.