BAGONG SCHOOL BUILDING SA PASIG PINASINAYAAN
PINASINAYAAN kamakailan ng mga lokal na opisyal ng lungsod ng Pasig ang bagong school building sa San Miguel Elementary School.
Pinangunahan nina Pasig Mayor Vico Sotto at Congressman Roman Romulo ang inagurasyon sa naturang proyekto.
Ayon kay Sotto, hindi ipapangalan sa politiko ang mga pinagagawang proyekto ng pamahalaan gaya ng napagkasunduan nila noon ni Congress Romulo.
“Maliban sa maliit na commemorative plaque, wala na kayong makikitang pangalan o kahit personal logo namin,” sabi ni Sotto.
“Para sa mga paaralan, pag-uusapan namin sa Local School Board kung kanino puwedeng ipangalan ang mga bagong gusali. Maaaring bayani o historical figure na Pasigueño,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, sinabi ni Sotto na magiging mano-mano ulit ang pamamahagi ng allowance sa mga iskolar ng lungsod dahil marami pa sa mga ito ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang allowance.
“Sa mga Pasig City scholar na hindi pa nakatatanggap ng allowance, karamihan sa inyo ay may mga ‘di maresolbahang isyu sa inyong PayMaya account. Nasa 2,000 ang bilang ninyo (sa total na 18,000 scholars),” wika ni Sotto.
“Kaya ibabalik ng PayMaya ang pera sa LGU, at manual payout muna tayo,” dagdag pa niya.