BAGONG NATIONAL HS SA SAGNAY, CAMARINES SUR APRUB NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukala ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella para sa pagtatayo ng bagong national high school sa bayan ng Sagnay.
Sa virtual hearing ng komite, nagkasundo ang mga miyembro na isulong na sa plenaryo ang House Bill 8415 para sa itatayong national high school sa Barangay Turagaue.
Ito ay nang katigan ng Department of Education ang panukala na naglalayong mas marami pang estudyante ang mabigyan ng oportunidad sa dekalidad na edukasyon.
Una nang sinabi ni Fuentebella na mismong ang mga residente na ng barangay ang umaapela para sa pagtatayo ng paaralan sa kanilang lugar upang matugunan ang implementasyon ng K-12 curriculum.
Ipinaliwanag pa ng kongresista na sa kasalukuyan, ang mga estudyante sa Barangay Turague ay kinakailangan pang bumiyahe nang malayo upang makapasok sa public high school sa ibang barangay.
Sa sandaling maging batas ang panukala, mandato ng kalihim ng Department of Education na isama sa programa ng ahensiya ang operasyon ng Turague National High School.