Nation

BAGONG GRADING SYSTEM INILABAS NA NG DEPED

/ 5 October 2020

INILABAS na ng Department of Education, sa pamamagitan ng DepEd Order No. 31, ang paraan ng pagmamarka at assessment sa mga mag-aaral ngayong magsisimula na ang bagong taong pampanuruan.

Alinsunod sa Interim Guidelines for Assessment and Grading in Light of the Basic Education Learning Continuity Plan, habang may pandemya ay suspendido ang lahat ng quarterly examinations mula Grade 1 hanggang Grade 12. Kinakailangang magpokus ang mga guro sa isahang assessment sa pamamagitan ng mga sulatin at performance task.

Sa elementarya hanggang junior high school, sa mga asignaturang Pangwika, Araling Panlipunan, at Edukasyon sa Pagpapakatao, 40 bahagdan ng marka ay kukunin mula sa written works at 60 naman ang sa performance tasks. Sa Science at Math ay 50-50 ang hatian, habang 30-70 ang sa Music, Arts, PE, and Health, Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan, at Technology and Livelihood Education.

Sa Senior High School – Academic Core Subjects, 40-60 ang hatian ng written works at performance tasks, 40-60 rin sa iba pang sabjek, habang 50-50 sa mga work immersion, pananaliksik, business enterprise, at performance-based na mga sabjek.

Sa Senior High School – Technical/Vocational/Sports/Arts and Design, 30-70 ang hatian ng markahan sa anumang sabjek na kukunin nila mula Grade 11 hanggang 12.

Ang mga pagbabago ay para lamang sa akademikong taon na ito. Nauna nang ipahayag ng DepEd na hindi muna magkakaroon ng mga pagsusulit para makapagpokus ang mga mag-aaral sa paglalapat ng mga aralin sa araw-araw na pamumuhay.

Gayundin, nakasaad sa DepEd Order na ang naturang balangkas ay pagpapanatili ng ‘holistic’ at ‘authentic’ grading system angkla sa reduced most essential learning competencies.