BAGONG DISENYO NG SCHOOL BUILDING SA ‘NEW NORMAL’ ILALABAS NG DEPED
KINUMPIRMA ni Department of Education Undersecretary Tonisito Umali na pinag-uusapan na ng ahensiya ang mga bagong disenyo para sa mga itatayong school building.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, tinanong ni Senadora Nancy Binay ang DepEd kung may mga disenyo na silang pinag-aaralan para maging compliant sa mga ipinatutupad na health protocols laban sa Covid19.
“’Yung DepEd Central ba may ginagawa nang new design to make our school na maging Covid-compliant…dahil magiging bahagi na ito sa paghahanda natin sa new normal,” tanong ni Binay.
“Sinabi nga ni Cong. Mark Go, ‘yung nae-envision nila na school building ay compliant na against Covid19. So, may policy direction ba from DepEd Central hinggi dito?” dagdag pa ng senadora.
Ipinaliwanag naman ni Umali na patuloy pa ang pag-uusap hinggil sa bagong disenyo subalit ang eksaktong istruktura ay kailangan pang dumaan sa pagbusisi.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Umali, ang mga bagong istruktura ay tinitiyak nilang kayang lumaban sa mga kalamidad tulad ng typhoon signal number 4 at 5.
Napag-usapan ito sa gitna ng pagdinig sa mga panukala para sa paghihiwalay ng mga school extension bilang independent school.
“Natutuwa kami sa mga panukalang batas para gumawa ng independent school. Dahil ang polisiya po ngayon ng DepEd ay not to add new annexes but to build new schools basta makasusunod lamang po sa aming guidelines,” diin ni Umali.