BAG NG NAWAWALANG UP LAW PROF NATAGPUAN SA PAMPANG NG OCCIDENTAL MINDORO
NATAGPUAN ang bag ng nawawalang University of the Philippines College of Law professor na si Ryan Oliva sa pampang ng Sitio Natalon, bayan ng Looc, Occidental Mindoro nitong Biyernes, Nobyembre 27.
Nakita ito ng isang residente habang naglalakad sa Looc, ika-6 ng umaga.
Nasa loob ng bag ang mga ID ni Oliva, kasama ang mga ATM, cellphone, at iba pang personal na gamit.
Kinumpirma ng mga kaanak ng professor na ang naturang bag nga ang dala nito nang umalis sa kanilang bahay noong Linggo, Nobyembre 22.
Gayunpaman, kahit na nakita na ang bag ay wala pang makapagsabi kung nasaan na ang nawawalang propesor.
Si Oliva ang Chief Liaison ng Department of Tourism Legislative Liaison Unit habang nagtuturo sa UP Law ng mga kursong Legal History at Law on Agency and Partnership.
Sa sinumang may impormasyon tungkol sa nawawalang propesor ay maaaring makipag- ugnayan sa pamilya nito, +63922 860 1900, +63 906 300 1009, o [email protected], o mismong sa NBI Special Action Unit sa 8525 0445.