Nation

BADYET NG DEPED PARA SA MODULES SADYANG KAPOS – SENADOR

NANINIWALA si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na talagang  kapos umano ang pondo ng Department of Education para sa pagpapaimprenta ng self-learning modules na gagamitin sa distance learning ng basic education sa bansa.

/ 18 August 2020

NANINIWALA si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na talagang  kapos umano ang pondo ng Department of Education para sa pagpapaimprenta ng self-learning modules na gagamitin sa distance learning ng basic education sa bansa.

Sa tantiya ni Recto, aabutin umano ng 93.6 bilyong pahina ang iimprentang modules para sa 80 porsiyento lamang ng 21.5 milyong estudyante.

“That’s about 1,500 times the 61 million ballots we printed during the last elections. That’s enough paper to gift-wrap all the classrooms in the land,” pahayag ni Recto.

Ang kuwenta ni Recto ay batay lamang sa 20 pahinang module sa bawat subject kada linggo na sa kabuuan ay walong subject para sa 34 na linggo at gagamitin lamang ng  17.206 milyong public school students.

“Pero kung lahat gagamit, 117 billion pages ‘yan,” idinagdag niRecto.

“Even if you cut the number of pages per subject by half, to 10 pages, we will still be needing between 48 billion to 59 billion pages,” paliwanag pa ng senador.

Sinabi ni Recto na kung aabutin ng P48 bilyon o P96 bilyon o P117 bilyon ang halaga ng pag-iimprenta, ang kalalabasan ay sadyang kulang ang pondo ng DepEd.

Binigyang-diin pa ng senador na kahit gamitin ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses ng bawat paaralan ay hindi pa rin ito sasapat.

“Kahit ibigay pa nang buo ang unobligated school MOOE, mgaP24.1 billion lang ‘yan. Kahit idagdag mo pa ‘yung napabalitang ni-release na P9 billion para sa modules, kulang pa rin,” diin pa ni Recto.

Sa tantiya ni Recto, nasa P30-P35 bilyon pa ang kailangang pondo ng DepEd upang mabuo ang pag-iimprenta ng modules na maaaring kunin sa pamamagitan ng realignments, donasyon at grants mula sa lokal na pamahalaan

Iginiit ni Recto na ang funding gap na ito ang kailangang resolbahin ng DepEd sa karagdagang panahon na ibinigay sa kanila bago ang pagsisimula ng klase sa Oktubre 5.