AYUDA SA PWD STUDENTS NG NAVOTAS IBINIGAY NA
KINIKILALA ng Lungsod ng Navotas na mahirap para sa differently abled persons at mga batang nangangailangan ng karagdagang aruga ang kasalukuyang sistema ng edukasyon, kasama ng panganib na dulot ng Covid19.
Gayunman ay sinikap ng lokal na pamahalaan ng Navotas, sa pangunguna ni Mayor Toby Tiangco, ang pagbabahagi ng karagdagang tig-P1000 ayuda sa 326 benepisyaryo ng Persons with Disabilities Students Educational Assistance/Scholarship.
Nais ng programa na maagapayan ang mga magulang sa pangangalaga nila sa kanilang mga anak habang nag-aaral sa modang modified modular learning – ang pamamaraang uutilisahin ng Schools Division’s Office ng Navotas sa darating na pasukan sa Oktubre 5.
P500 kada buwan o P5,000 kada akademikong taon ang probisyon para sa PWD Students Scholarship. Nitong Hunyo lamang ay nauna nang inihatid ang allowance para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso.
Gayundin ay makatatanggap ng libreng school materials mula sa NavoBox ang sinumang PWD student na naka-enroll ngayong akademikong taon.
Tiniyak ni Tiangco na tuloy-tuloy ang programa kahit na may pandemya at walang face-to-face classes.