Nation

AYUDA SA MGA GURO SA BAYANIHAN 2 TIYAKIN — SENADOR

/ 16 September 2020

PINATITIYAK ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa mga ahensiya ng gobyerno na maibibigay ang tulong ng gobyerno sa lahat ng mga lehitimong benepisyaryo ng Bayanihan 2, partikular ang private school teachers.

Ito ay kasunod ng apela kay Go  ng Federation of Associations of Private School Administrators na isama sa ayuda ng pamahalaan ang mga guro mula sa mga pribadong paaralan.

“Nagpapasalamat ako sa pamunuan at kasapi ng Federation of Associations of Private School Administrators sa tiwalang idulog sa aking tanggapan ang kanilang hinaing. Asahan ninyo na sa abot ng aking makakaya, patuloy akong magseserbisyo sa inyo bilang boses ninyo sa Senado at tulay ninyo kay Pangulong Duterte,” pahayag ni Go sa The POST makaraang maiparating ang apela ng grupo.

Binigyang-diin ni Go na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act.

Kasama sa recovery measures ang P300-million para sa one-time cash assistance sa mga teaching at non-teaching personnel, kasama na ang part-time faculty o non-permanent teaching personnel sa private elementary, secondary, and tertiary education institutions at part-time faculty sa mga state university and college.

“Nananawagan ako sa mga concerned agencies na siguraduhing maibigay ang tulong pinansiyal sa lahat ng mga lehitimong beneficiaries sa maayos, mabilis at ligtas na paraan,” pagdidiin pa ni Go.

Sa sulat ng grupo sa pangunguna ni FAPSA president Eleazardo Kasilag sa senador, sinabing marami sa mga private school teacher  ang hindi nakatanggap ng sahod simula pa noong Abril at wala ring cash assistance mula sa gobyerno.

“With this, the private school teachers, represented by the SAP Committee of the Federation of Associations of Private Schools and Administrators from Luzon, Visayas, and Mindanao Regions, appeal to your good office to include these teachers and allocate a budget in the Bayanihan Act 2,” pahayag ni Kasilag sa kanilang sulat kay Go.