#AYUDA PANG ESKWELA NAKALIKOM NA NG P1-M PARA SA 229 MAG-AARAL
HABANG ang edukasyon sa ‘bagong normal’ ay hindi pangkalahatang lumipat sa online learning dahil isang aspeto lamang ito ng basic education learning continuity plan, marami pa rin sa mga mag-aaral ang nangangailangan ng pinansiyal na suporta para sa kanilang online schooling, lalo na para sa internet connection, smart phones o tablets.
Kamakailan lang ay may mga mag-aaral na nag-post sa social media para humingi ng tulong para sa kanilang pag-aaral ngayong darating na pasukan.
Para matulungan ang mga batang ito, isang netizen ang gumawa ng Facebook page na tinawag niyang #Ayuda Pang Eskwela para maitulay ang mga mag-aaral na ngangailangan ng tulong sa mga potensiyal na donor.
“We’re providing a platform where students in need of financial support for their online schooling can meet donors who are able and willing to share,” sabi ni Diane Reyes, assistant vice president ng isang fast-moving consumer goods.
Ayon kay Diane, nagsimula lamang nitong Agosto 1 ang nasabing donation drive, at sa loob lamang ng siyam na araw ay nakalikom sila ng mahigit isang milyong piso para sa 229 na mga mag-aaral.
“Nag-start talaga siya sa sariling network ko lang at na-share share ito organically ng mga tao na willing mag-donate,” sabi ni Diane.
Kadalasan, mga second-hand na laptop, tablet o pang-internet ang hinihingi, aniya, ng mga batang ito.
Kapag ang mag-aaral ay below 18 years old, ang kanilang magulang ang magpo-post. Bilang requirements, ang mga magulang ay kinakailangang magpakita ng photocopy ng kanilang ID at kung ano ang kanilang trabaho, pati na rin student ID ng kanilang anak.
Ang mga donasyon ay ipadadala sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng GCash.
“Hindi po kami ang bumibili, ‘yung mga nanay o mga student. Sa platform lang talaga tayo. We connect them,” wika ni Diane.
Sa tanong kung bakit niya naisipang gawin ang bagay na ito, sinabi ni Diane na, “Na-bother ako eh sa mga nakikita ko sa mga pagse-search search ko. Tapos nung July 31 nagse-search lang ako sa Twitter para matuwa ako outside of the negative news then I saw na maraming students na nagpo-post doon sa Twitter asking for help na nakalagay “piso para sa laptop”.
“So, sabi ko bakit wala bang maayos na platform where they can seek for help bakit kailangan dito sa Twitter na possible ma-scam sila and for the donors naman mas apprehensive ako to donate kasi hindi ako sure na mata-trust ko ‘yung post na ‘yun kasi baka hindi totoo,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 20 na ang mga volunteer ng Ayuda Pang Eskwela, at ang karamihan sa kanila ay galing sa corporate at ginagawa nila ito sa personal nilang kapasidad.
Samantala, nanawagan pa rin si Diane sa mas marami pang donors dahil sa mga mag-aaral na naghihintay ng tulong.
“We’re asking help po to have more donors into the platform dahil napakarami pa po ang estudyante ang naka-pending post na gusto nating tulungan,” ani Diane.
“With your kind heart, we’re asking you to join the group to support the cause and help the students reach for their dreams,” pagtatapos niya.