Nation

AVATAR PROFILE PIC NG MGA ONLINE LEARNERS HAMON SA TIYAGA NG MGA GURO

/ 4 September 2020

HINDI pa man nagsisimula ang blended learning sa pampublikong paaralan ay ilang guro sa pribadong paaralan ang nagkakaproblema sa kanilang mga estudyante.

Sa patuloy na virtual meeting ng mga department head at guro para paghandaan ang online class sa Oktubre 5, natuklasan na ang paggamit ng Avatar sa profile picture ng mga estudyante ay panibagong hamon na nakakaantala ng pagtuturo.

Naiulat ito nang magreklamo ang ilang mga guro ng isang pribadong paaralan sa Bagong Silang, Caloocan na naunang nagbukas ng online class.

Naantala ang pagsisimula ng klase nang kinailangan pang kumpirmahin ang identidad ng estudyanteng gumamit ng Avatar profile pic.

Isa pang nakikitang hamon sa mga guro ay ang mga binaligtad na pangalan o paggamit ng ibang character.

Kaya naman nanawagan ang mga guro na gamitin ang tunay na pangalan at larawan sa social media account para sa mabilis na pagkakakilanlan.

Dagdag ito sa mga pangunahing hamon ng kawalan o kakulangan sa kagamitan gaya ng laptop, tablet at cellphones, at ang kawalan o mabagal na internet connectivity.