Nation

AUTOMATIC PASSING MARK SA K-12 STUDENTS ISINUSULONG SA KAMARA

/ 20 November 2020

UPANG mabawasan ang pressure at mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante, isinusulong sa Kamara ang panukala para sa automatic passing mark sa mga K-12 student na nakatutugon sa mga aktibidad at modules na ipinagagawa ng mga guro.

Inihain nina Bukidnon Third at First District Representatives Manuel Antonio Zubiri at Maria Lourdes Acosta-Alba ang House Bill 7961 o ang proposed Covid19 Scholastic Leniency Act.

Sa kanilang explanatory note, sinabi nina Zubiri at Acosta-Alba na dahil sa Covid19 pandemic, nasusubok ang mental health ng mga Pinoy partikular ng kabataan.

Idinagdag ng mga kongresista na maging ang Commission on Human Rights ay aminado na ang mga taong walang mental health issues bago ang pandemya ay posible ring magkaroon ng problema dahil sa sitwasyong kinakaharap ng bansa.

“Children also are victims of the various effects of this pandemic. From a formerly socially lifestyle, children have now been forced to study at home to protect their health,” pahayag pa ng mga kongresista sa kanilang explanatory note.

Sa datos ng Save the Children International, nasa 40 percent ng kabataan mula sa mahihirap na pamilya ang nangangailangan ng tulong para sa kanilang schoolwork subalit wala silang nakakatuwang.

“This difficulty in learning and the absence of help for children have resulted in reported cases of suicide committed by children,” diin pa ng mga mambabatas.

Dahil nahihirapang mag-adjust sa kasalukuyang sistema ng home schooling, sinabi ng mga kongresista na marami sa mga estudyante ang hirap sa kanilang mga aktibidad.

Alinsunod sa panukala, ipatutupad ang Scholastic Leniency sa school year 2020-2021 kung saan lahat ng K-12 students ay bibigyan ng passing mark sa kondisyong makatutugon sila sa mga requirement.

Kabilang sa requirement ang pagdalo sa mga session na itinakda ng guro o paaralan, pagsusumite ng required papers, projects at iba pang academic requirements; nakasali sa mga quiz, recitation at exam at nakatugon sa minimum standards para sa personal behavior.

Kung may mga estudyante naman na makatatanggap ng bagsak na marka, kinakailangang magbigay ang paaralan ng remedial action.