AUTOMATED STUDENT RECORD SYSTEM ISINUSULONG
NAIS ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na magkaroon ng automated student record system para sa mas maayos na datos ng mga estudyante.
Sa kanyang House Bill 1411 o ang proposed Public School Database Act, sinabi ni Vargas na sa pamamagitan ng maayos na sistema ng recording ay mas mapadadali ang pagresponde sa anumang pangangailangan ng mga estudyante.
“A well-designed database preserves the quality of the data and can also help reduce the costs of handling the paperwork associated with record-keeping,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Idinagdag pa ng kongresista na sa pamamagitan ng automated database, mas magiging madali ang paglilipat ng student records mula sa isang educational institution papunta sa isa sa pang paaralan.
Batay sa panukala, mandato ng Department of Education na bumuo at magmantina ng National Public School Database na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon ng estudyante katulad ng school grades, personal data, good moral record at improvement tracking.
“If enacted, we are not only empowering teachers and school administrators to make sound decisions for the holistic development of our students, we are also providing the Philippine government and its policymakers with proprer information that gives them directions towards a more successful educational system,” paliwanag pa ng kongresista.
Bubuo rin ang DepEd ng Database Information Program upang sanayin ang education professionals sa pagmamantina ng mga impormasyon sa database.
Ang sinumang mahuhuling mamemeke o gagamitin sa maling pamamaraan ang impormasyon ng estudyante ay mahaharap sa pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang isang taon o pagmumulta ng mula P10,000 hanggang P50,000.