ASSESSMENT SA MGA LUGAR NA SINALANTA NG BAGYO GAWING MAKATOTOHANAN — TEACHER SOLON
HINIMOK ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education na maglabas ng malinaw na direktiba hinggil sa adjustments na dapat ipatupad sa blended learning sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
“Sa kabila ng kalamidad, patuloy pa rin ang edukasyon kahit pa walang koryente, nasira ang mga paaralan o learning materials. Patuloy pa rin ang reporting sa paaralan, distribusyon ng modules at iba pang mga school tasks,” pahayag ni Castro.
Iginiit ng kongresista na dapat magkaroon ng ‘honest to goodness’ evaluation sa iba’t ibang eskwelahang nasira, mga pasilidad at iba pa kinakailangan sa mga eskwelahan para matukoy ang pangangailangan sa budget kung maaari nang magsagawa ng face-to-face classes.
Iminungkahi rin niya na magkaroon ng guidelines para sa adjustment ng class schedules, conduct at work study load at magkaroon ng konsiderasyon sa work-related at study-related deadlines para makaagapay sa epekto ng kalamidad at limitado na ang resources at materials.
Binigyang-diin din ng teacher solon na dapat pondohan ang pagpapaayos o pagpapalit sa mga nasirang teaching at learning materials, resources at equipment tulad ng laptop at internet connectivity.
Upang makatulong sa mga guro at non-teaching personnel, hinimok ni Castro ang DepEd na magpatupad ng paid calamity leave bukod pa sa regular na leave credits at iba pa sa calamity leave ng Civil Service Commission.
Hiniling din ng mambabatas na magkaloob ng financial o shelter assistance sa mga kawani o guro na naapektuhan ng kalamidad at wala nang matirhan.
Sa pag-iikot ni Castro, napag-alaman na halos 21,000 na kabahayan ang sinalanta ng bagyong Rolly sa buong Bicol at 58,000 pamilya ang naapektuhan.
“Mas matinding pinsala ang nangyari sa mga mamamayang nakatira sa paligid ng Bulkang Mayon, kung saan kumbinasyon ng lahar, malalaking bato at baha ang kanilang mga naranasan,” diin ni Castro.
Inisa-isa rin niya ang mga nasirang paaralan dulot ng magkasunod na bagyong Rolly at Ulysses sa Bicol Region.