APLIKASYON SA SUNTAY TULONG DUNONG SCHOLARSHIP PROGRAM HANGGANG DISYEMBRE 9 NA LANG
PINAALALAHANAN ni Quezon City 4th District Rep. Jesus ‘Bong’ Suntay ang mga estudyanteng papasok sa kolehiyo at nais na makatanggap ng scholarship para sa Academic year 2020-2021 na humabol sa deadline ng aplikasyon.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Suntay na hanggang Disyembre 9 na lamang sila tatanggap ng aplikante para sa Suntay Tulong Dunong Scholarship.
Ang mga nais maging scholar ay dapat na residente ng District 4 ng lungsod; graduating high school students o high school graduate; may General Weighted Average na 90 percent pataas; hindi lalagpas sa P400,000 ang combined annual gross income ng kanilang mga magulang at hindi pa nakatatanggap ng kahit anong financial assistance mula sa gobyerno.
Ang mga aplikante ay kinakailangang mag-fill up ng Google Application form at magsumite ng high school report card o ng certified copy ng grado para sa mga Grade 11 o 1st semester ng Grade 12.
Bukod dito, kinakailangan ding magsumite ng anumang dokumento na nagpapatunay ng income ng mga magulang.
“Siguraduhing na-check ang ating Criteria of Eligibility, Academic Requireents at Income Requirements bago sagutan ang form. Ang criteria at mga requirements na ito ang magiging basehan sa pagpili ng mga magiging scholars,” paalala pa ng kampo ng kongresista.
Nangako ang kongresista sa tuloy-tuloy na pagtulong sa kanyang mga constituent, partikular sa mga estudyante na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral para sa magandang kinabukasan sa gitna na rin ng krisis dulot ng Covid19 pandemic.