Nation

APLIKASYON SA SCHOLARSHIP SA QC DISTRICT 1 HANGGANG NOB. 13 NA LANG

/ 12 November 2020

MAY pagkakataon pa ang mga college student na residente ng District 1 sa Quezon City na makakuha ng scholarship mula kay Rep. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo sa ilalim ng Tulong Dunong program ng Commission on Higher Education.

Sa anunsiyo ng tanggapan ng kongresista sa kanilang social media account, tatanggap sila ng aplikasyon para sa scholarship hanggang sa Biyernes, Nobyembre 13, o hanggang mapuno ang kanilang slots.

Ayon sa tanggapan ng mambabatas, ‘first come, first served’ ang kanilang pagproseso ng aplikasyon lalo’t limitado lamang ang scholarship slots.

Ang scholarship ay para lamang sa mga estudyanteng kasalukyang naka-enroll sa anumang four-year college course sa public or private school o university.

Sa mga nais mag-apply, kinakailangang magpasa ng kopya ng report card sa high school ang aplikante o ang kopya ng huling dalawang semestre ng mga grado, gayundin ng valid ID, 1×1 picture at original copy ng barangay certificate of indigency na nakapangalan sa head of the family.

Nilinaw naman na sa bawat pamilya, isang slot lamang ang maaaring ibigay upang mas marami ang mabigyan ng pagkakataon.

Hindi na rin kuwalipikado ang mga estudyanteng mayroon nang scholarship grants sa city government.

Samantala, pinapayuhan ang mga dating scholar na hindi pa nakatatanggap ng kanilang benepisyo at maging ang mga nagsumite na ng aplikasyon subalit hindi pa nakatatanggap ng sagot na agad makipag-ugnayan sa tanggapan ng kongresista.

Ang lahat ng may katanungan ay maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ni Crisologo sa Barangay Sta. Cruz o tumawag sa 83985218 o 09956116831 at hanapin si Neil Ian Mario.