ANTI-PORNOGRAPHY LAW MADALIIN – REP. NOGRALES
PINAMAMADALI na ni Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Nograles sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso ang pag-apruba sa panukala na magpapalakas sa Anti-Child Pornography Act.
PINAMAMADALI na ni Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Nograles sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso ang pag-apruba sa panukala na magpapalakas sa Anti-Child Pornography Act.
Ito ay kasunod ng pagkaalarma ng kongresista sa ulat ng The POST hinggil sa pagbebenta ng mga estudyante ng malalaswang larawan at video sa internet para may ipambili ng gadgets na gagamitin sa online learning.
Ikinatuwa naman ng kongresista ang pahayag ng National Bureau of Investigation at Department of Justice Office of Cybercrime na palalakasin pa nila ang crackdown laban sa online human trafficking.
“We have to place measures to protect our children — even from themselves. We have to act so that children are not forced to prostitute themselves because of their needs,” pahayag ni Nograles.
Si Nograles ay pangunahing may akda ng House Bill No. 7633 o ang proposed Anti-Sexual Abuse and Exploitation of Children Act of 2020 na naglalayong amyendahan ang Section 9 ng Republic Act 9775 o Anti-Child Pornography Act.
Partikular na nakasaad sa panukala ang blacklisting sa sinumang dayuhan na masasangkot sa pang-aabusong sekswal sa internet.
Inihain ng mambabatas ang panukala kasunod ng report ng DOJ sa pagtaas ng mga kaso ng online child sex abuse sa panahon ng lockdown dulot ng Covid19.
Sa datos ng US based National Center for Missing and Exploited Children, nasa 279,166 kaso ng online child sex abuse ang natukoy na naganap sa Filipinas mula Marso 1 hanggang Mayo 24, 2020 kumpara sa 76,561 kaso sa kaparehong panahon noong 2019.