ANTI-HUMAN TRAFFICKING PALAKASIN PA — SEN. GATCHALIAN
IGINIIT ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat pang palakasin ang Anti-Human Trafficking Law sa bansa kasunod ng bentahan ng mga malalaswang larawan ng mga estudyante na iniulat ng The POST.
Ayon kay Gatchalian, napapanahon nang amyendahan ang batas upang mapabilis ang paghuli sa mga sindikato na nagsasamantala sa pangangailangan at kahinaan ng mga estudyante.
Sa isinusulong na pag-amyenda ng senador, nais niyang bigyang responsibilidad ang mga internet service provider upang makipagtulungan sa mga awtoridad sa pag-aresto sa mga indibidwal na sangkot sa malalaswang gawain.
Nais din ng mambabatas na ituro ang mas malalim na kaalaman sa human trafficking sa Senior High School.
Ipinaliwanag ng senador na ang pagbebenta ng malalaswang larawan ay kadalasang nauuwi sa human trafficking kung hindi ito maaagapan.
“Hindi mawawala ang human trafficking dahil nandiyan lang ang mga sindikato. Kailangan ay agresibo ang paglaban natin at umpisahan ito dapat sa Senior High School,” pahayag ni Gatchalian.
Una nang sinabi ng senador na sadyang nakababahala ang ulat ng The POST hinggil sa ‘Christmas Sale’ ng mga malalaswang larawan ng mga estudyante upang makabili ng gadgets para sa online learning.