ANTAS NG EDUKASYON NG PUBLIC SCHOOL STUDENTS IAANGAT SA STATE OF THE ART SCHOOLS
TIWALA si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na maiaangat na ang antas ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan dahil sa state of the art public school system.
Ito ay makaraang tuluyang maaprubahan na sa Kamara ang kanyang mga panukala para sa pagtatayo o pagsasaayos ng mga paaralan sa mga liblib na lugar bukod pa sa pagsasaayos ng mga kalsada.
Sinabi ni Salceda na sa pagpasa ng substitute bills ng House Bill 311 o ang Public Schools of the Future in Technology at HB 307 o ang Last Mile Schools Act na mabibigyan na rin ng patas na pagkakataong makapag-aral ang mga kabataang naninirahan sa mga pamayanang malayo sa kabihasnan o may mga nagaganap na hidwaan at kaguluhan.
Ayon kay Salceda, layunin ng Public Schools of the Future na gawing makabago ang mga silid-aralan upang maranasan ng mga mag-aaral ang ‘digital world’ sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng laptop o computer at access to internet upang ihanda ang mga estudyante sa 4th Industrial Revolution.
Ang 4th Industrial Revolution na nagsimula pa noong nakaraang siglo ay tungkol sa digital revolution kung saan pinagsasama-sama ang physical, digital at biological technology.
Ipinaliwanag ni Salceda na pinabilis ng pandemya ng Covid19 ang takbo ng 4th Industrial Revolution dahil sa blended learning ng Department of Education at bahagi nito ang online learning na hindi na kailangan ang face-to-face na pagtuturo.
Nakasaad sa HB 311 na magkakaroon ng digital classrooms na kumpleto sa teknolohiya.
Sa pagtaya ni Salceda, sa taong 2025, kalahati ng mga karaniwang ginagawa ngayon ay tuluyan nang magiging digital.
Samantalang sa HB 304 o Last Mile Schools ay maginhawang makapag-aaral ang kabataan sa mga liblib, mahirap at magulong mga pamayanan.
Titiyakin ding may maayos na mga kalsada patungo sa mga paaralan upang hindi mahirapan ang mga mag-aaral na tumawid sa mga ilog at maglakad nang malayo sa mga gulod na walang kalsada.
Ang Last Mile Schools ay mga paaralan sa liblib na mga pamayanang malayo sa kabihasnan at kailangang lakbayin nang matagal, may mga apat na silid-aralan lamang na wala sa akmang kaayusan, walang koryente, kulang sa 100 ang mga mag-aaral na ang kalahati ay mula sa katutubong mga tribo at mabagal ang kaunlaran.
Tinatayang nasa 8,000 ang tinatawag na Last Mile Schools sa bansa.