ANG PANATA NI TITSER NA PAGTULONG SA MARALITA SWAK SA PROJECT ‘M’
ISANG pampublikong guro sa Sorsogon ang namahagi ng mga face masks, face shields at bitamina sa mga batang maralita na nag-aaral sa isang pampublikong paaralan sa liblib na barangay ng lalawigan.
Bilang bahagi ng kanyang mga nasimulang proyekto ng pagkakawang-gawa na tinawag nyang Project ‘M’ ay nagbigay si titser Michelle Rubio sa 334 mag-aaral ng Calao Elementary School, ng Prieto-Diaz sa Sorsogon.
“Project ‘M’ is in memory of my adopted pupil Manuel. This is a continuation of my advocacy of taking care indigent learners po,” sabi ni Michelle sa eksklusibong panayam ng The POST via Facebook messenger.
Taong 2014 nang magsimula ang adbokasIyang ito ng nasabing guro nang minsang inalagaan nya ang isang nagngangalang Manuel Dorado Jr. bilang adopted pupil.
“Akala ko ang obligasyon ko lang po sa bata ay maturuang bumasa, sumulat at tulungan sya sa iba nyang basic needs. Pero dumating yung napakalaking challenge sa akin nang magkasakit ang bata at kailangang operahan, year 2014 noon. Naituring ko nang parang tunay na anak ‘yung bata kaya naging madali sa family ko po ‘yong pagtulong,” kwento ng 46-year-old na Grade 3 teacher.
“Dumaan sya sa tatlong operation due to serious bone arthritis. Lahat po ay ako ang gumastos sa kanyang medicines and hospital bills. After a year, nagpatuloy uli sya sa pag-aaral hanggang makatapos ng Grade 6. Then last July 2019 ay nagkaroon ng chronic kidney disease si Manuel at sustain ko po uli lahat ng medicines and other needs nya. Then, last August 2019 namatay siya. I promised to myself na ipagpapatuloy ko ang pagtulong sa mga indigent learners na katulad ni Manuel. Kaya binuo ko po ang Project M,” pahayag ng guro.
Sa ilalim ng Project ‘M’ ay mayroon din siyang pinili na sampung indigent learners na magiging recipients.
Nang tanungin kung saan nanggagaling ang pondong pinangtutustos nya sa proyektong ito, ang kanyang sagot ay “from my personal resources po at meron din pong mga tumulong na stakeholders.”
Nagsimula ang pamamahagi ng face shields noong nagdaang Agosto 26 hanggang 29 sa 324 na mga batang sapat sa salapi ang mga magulang upang ibili ang kanilang mga anak ng nasabing health gadyet.
“Kasi ‘yung another 10 pupils binigyan ko po ng face shields, face masks, vitamins, alcohol, reading materials, balloons at spaghetti with chicken na paborito ni Manuel last August 30 during his first death anniversary po,” pagtatapos na pahayag ni Michelle.
Tinanghal na Civil Service Commission Dangal ng Bayan 2019 awardee, si Michelle ay namigay rin ng mga food packs sa maraming pamilyang mas nangangailangan umano sa nasabing lugar nitong mga nakalipas na buwan nung magsimula ang community quarantine.