ANG INYONG LINGKOD, “FILIPINO NGAYON”
Pormal nang inilunsad ng grupo ng mga guro, mananaliksik, at manunulat, sa pangunguna ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario, ang “Filipino Ngayon” – ang pinakabagong peryodikong online at limbag (PDF) tungkol sa wika, kultura, kasaysayan, edukasyon, at peryodismong pangkampus, 01 Agosto.
Sa unang editoryal ipinaliwanag ni Almario ang tunguhin ng FN. Aniya, ipinanganak ang peryodiko sa pangangailangang subaybayan ang pagpapayaman at pagpapaunlad ng wikang Filipino, sang-ayon sa Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Saligang Batas 1987. Kailangan ding ipagpatuloy ang mga makabuluhang adhika at programang nasusulat sa planong pangwika ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013.
“Tulad ng pangangalaga sa ating yamang-likás, kailangang linangin ang wastong paggálang, pagpapahalaga, at pagsinop sa mga taal na katangian at karunungan ng mga katutubong wika ng bansa,” dagdag niya.
Ang FN ay tumatanggap “ng mga artikulo, balita, akdang pampanitikan, retrato, guhit, at iba pang anyo sa anumang media na maaaring ilathala ayon sa mga panuntunang naayos sa batas ng peryodismo at cyberspace, at alinsunod sa mga tukoy na paksa (wika, kultura, kasaysayan, at edukasyon, at peryodismong pangkampus).”
Lingguhan itong magpo-post sa FB page, at sa paparating na website, ng mga akdang may kinalaman sa wika, kultura, kasaysayan, edukasyon, at peryodismo. Samantala’y buwanan naman itong maglalabas ng isyung naka-PDF. Ang gayon ay magsisilbing sanggunian ng mga guro upang makatulong sa kanilang nagbagong gampanin sa pagtuturo at pananaliksik sa panahon ng pandemya.
Ang publikasyon ay laan din sa mga kabataan, sa paglinang ng kanilang kaalaman at kasanayan sa pagsusulat.
“Sa kabilâng bandá, naniniwala rin ang FILIPINO NGAYON sa paghubog ng malikhaing kapangyarihan ng kabataan tungo sa mga saliksik na mapanuri at siyentipiko. Kailangang matuto agad ang mga mag-aaral na magmuni at magsiyasat sa kaniláng mundo at karanasan, at kasangkapanin ang kaniláng mga natipong impormasyon at kislap-diwa para maibangon ang isang marangal, nagsasarili, at maunlad na Filipinas,” ani Almario.
Ang FN ay pinangungunahan ni Editor Emeritus Almario, kasama ang Lupong Editoryal na binubuo nina Michael M. Coroza, Galileo Zafra, Vim Nadera, Romulo Baquiran, Leuterio Nicolas, Reggie Caparas Fajardo, Eilene G. Narvaez, Perfecto T. Martin, ang Lupon ng mga Konsultant/Kolumnista Mario I. Miclat, Marne Kilates, Fidel S. Rillo, Ruby G. Alcantara, ang Editor sa Estilo Eilene G. Narvaez, at ang Editor Tagapagpaganap Perfecto T. Martin.