Nation

ANG IMPORTANTE AY PUMAPASA ANG MGA BATA — SEN. GO

/ 17 July 2021

SA GITNA ng mga isyu sa sinasabing education crisis sa bansa, nanindigan si Senador Christopher ‘Bong’ Go na ang mahalaga sa ngayon ay ang pumapasa ang mga estudyante.

Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng paggigiit na hindi pa nararapat payagan ang face-to-face classes dahil sadyang delikado pa ang panahon lalo’t may mga naitala nang kaso ng Delta variant ng Covid19.

“Si Pangulong Rodrigo Duterte, sa ngayon ay hindi po siya papayag ng face-to-face classes dahil delikado po, wala pa tayong 20 percent na nababakunahan,” pahayag ni Go.

“Importante po tuloy-tuloy ang kaalaman ng mga kabataan bagaman distance learning tayo. Importante po pumasa sila, umabot sa another level po ang mga estudyante at pasado at tuloy-tuloy po ang kanilang kaalaman, at kanilang edukasyon pero hindi po natin puwedeng isugal ang buhay ng bawat Filipino, bawat kabataan po ‘wag natin isugal,” pagbibigay-diin pa ng senador.

Iginiit ng senador na kailangang nakapokus muna ang gobyerno sa pagbabakuna upang makamit na ang population protection at maging ang herd immunity.

“Kapag meron na naman nagpositibo diyan sa classroom, back to zero na naman tayo. Imbes na nakatutok ang ating mga government personnel sa pagbabakuna pupunta na naman sa eskwelahan ite-tracing na naman saan nanggaling, busy na naman po, we should focus right now sa pagbabakuna,” dagdag ni Go.

“Ang mga bata paano mo mababantayan ‘yan? Ang lilikot pa naman, kapag nagkahawahan, damay na naman buong classroom, damay buong eskwelahan, back to zero na naman tayo, so let’s focus sa vaccination program, let’s focus sa rollout sa ngayon,” anang senador.

Tiniyak ni Go na kung makakamit na ang population protection o herd immunity ay maaaring muling pag-aralan ni Pangulong Duterte ang pagbabalik sa face-to-face classes.

“Ako po ay sang-ayon kay Pangulong Duterte na bawal muna ang face-to-face classes dahil delikado pa. ‘Yung opening naman na sinasabi nila patuloy muna natin ‘yung distance learning sa ngayon. Kawawa naman po ang mga bata kapag sila ay tinamaan ng sakit dahil unang-una po ang mga bata hindi pa nababakunahan so prone sila na mahawa ng Covid19,” paliwanag pa ni Go.