ANG DAPAT MABATID NG MGA FILIPINO 2022
KATIPUNAN SA KULTURA AT KASAYSAYAN
Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malakí at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kung di damong makamandag. —Jacinto
ITO ANG TOTOONG estado ng ating bansa: Nakalugmok sa kamangmangan at kahirapan ang buong Filipinas. Talamak ang korupsiyon sa gobyerno. Naghahari ang sindak at karahasan sa mga nayon at lungsod.
Sa kabilâng dako, sinasamantala ng ilang politiko at negosyante ang yaman at kapangyarihan upang magtamasa hábang patúloy na pinababayàang bumulusok ang búhay ng madla at ang kabuhayan ng bansa. Pinapapaniwalà ang taumbayan sa mga baluktot na katwiran at kasaysayan, pinaiiral ang kawalâng-pag-asa, at sinisikil ang mga karapatang pantao. Ginagámit ang militar, pulisya, at maging ang hukuman, kasabwat ang mga banyagang politiko’t negosyante, upang mawalan ng saysay ang batas, manaig ang panlilinlang at kasinungalingan, at masadlak sa higit na pagkaapi ang karaniwang mamamayan.
Ngunit hindi totoo na walâ na táyong pag-asa.
PANAHON NA UPANG magkaisa ang lahat ng mamamayan ng Filipinas hinggil sa pagtitindig ng isang tunay na malayà, makatarungan, nakapagsasarilí, at ligtas na lipunan. Panahon na upang manguna sa tungkuling ito ang mga alagad ng sining, iskolar, at manggagawang pangkultura, lalo na tungo sa pagsisiwalat ng mga hadlang sa pambansang kaunlaran, pagpapaliwanag sa kabuluhan ng pangangalaga sa pambansang kultura, at pagpapaunawa sa katuturan ng makabansang kasaysayan para higit na mapalaganap ang pagmamahal sa bayan at mga wastong hálagáhan sa ísip at pusò ng sambayanan. Panahon na upang balikan at muling isaloob ang diwa ng Himagsikang 1896 upang mahugutan ng mga patnubay para sa kapakanan ng bawat Filipino.
Ito ang pundamental na gampanin ng Katipunan sa Kultura at Kasaysayan (o KKK2022). Nais naming tipunin ang malikhaing talino, karunungan, at kasanáyan ng mga Filipinong alagad ng sining, iskolar, at manggagawang pangkultura upang manguna sa mga talakayan at kilusang babáka sa kamangmangan, kahirapan, at ibáng kasalukuyang problema ng bansa. Nais naming sumandig sa talinong Filipino upang magdulot ng wastong kabatiran hinggil sa kasaysayan ng Filipinas at hinggil sa tunay na estadong pangkabuhayan at pampolitika ng bansa, samantalang nagmumungkahi ng kaukulan at angkop na pagbabago at kaunlarang dapat tamasahin ng lahat.
Inaanyayahan namin ang lahat ng alagad ng sining, iskolar, at manggagawang pangkultura na sumapì sa KKK2022 at lumahok sa mga tungkuling nakasaad sa Kartilya ng Katipunan sa Kultura at Kasaysayan:
(1) Itaguyod ang isang pambansa at makabansang kultura at kasaysayan batay sa diwa ng Himagsikang 1896;
(2) Pangalagaan at palaganapin ang isang kulturang mapagpalayà, malikhain, at mapagbago;
(3) Tangkilikin ang saliksik at pagsisiyasat na nagdudulot ng wastong pagtingin sa kasaysayan at naglalantad sa mga hálagáhang kolonyal, baluktot na katwiran, at mapanlinlang na salaysay;
(4) Isulong ang Wikang Pambansa bílang pambansang sagisag pangkultura at wikang opisyal ng pamahalaan at edukasyon hábang pinangangalagaan ang lahat ng wikang katutubo at nililinang ang kasanayan sa Ingles at ibáng wikang internasyonal;
(5) Ipagbunyi ang patakarang pampolitika at pangkabuhayan na nakasalig sa tumpak na pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan;
(6) Ipagtanggol ang panlahat at pantay-pantay na pag-iral ng mga karapatang pantao, lalo na ang karapatan sa malayàng pagpapahayag at pagtitipon, at ang ganap na karapatang tumuligsa at sumiyasat sa mga gawaing tiwali ng mga pinunò sa gobyerno at mga institusyong pampolitika at pangnegosyo;
(7) Bakáhin ang kultura ng karahasan, ang politika ng panlilinlang at pagsasamantala, at ang mga batas at tuntuning nagpapairal ng ganitong kultura at politika;
(8) Paunlarin ang industriyang pangkultura at ang produktong Filipino;
(9) Palaganapin ang edukasyong demokratiko at mga programa para sa pagtaas ng literasi sa buong kapuluan;
(10) Paglingkuran ang kapakanang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga manggagawang pangkultura.
Nagsisimula ang tunay na pagbabago sa ísip at damdamin. Wala táyong maaasahang magpabago sa atin kung hindi táyo. Umasa at manalig sa ating sarili! Magkaisa at kumilos! Sáma-sáma táyong itindig ang Filipinas!
(Sapagkat panahon ng pambansang halalan: Mataos din naming inihaharap ang Kartilya para sa pagsusuri at pagtangkilik ng mga kandidato at politiko. Inaasahan namin ang kaniláng matapat na sagot sa aming mga adhikang pangkultura at pangkasaysayan. Ikagagalak naming ipahayag nilá ang Kartilya na bahagi ng kaniláng platapormang pampolitika.)
Ref: Ei Narvaez, [email protected] / 0925-7102481