ANAKPAWIS CHAIRPERSON RANDY ECHANIS KILLING KINONDENA NG LFS-UP LOS BANOS
MARIING kinondena ng League of Filipino Students – Unibersidad ng Pilipinas Los Banos
ang pagpaslang kay Anakbayan Partylist National Chairperson at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas activist Randy Echanis ng mga hindi pa nakikilang armadong kalalakihan noong Agosto 10.
Batay sa report, si Echanis ay pinatay habang nagpapagaling sa loob ng kanyang bahay sa Novaliches, Quezon City.
Ayon kay dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, may karamdaman si Echanis at nananatili lamang sa loob ng bahay. Hindi umano ito armado, nagpapalakas, pero walang labang pinatay sa katirikan ng araw.
Kasamang pinatay ang kanyang kapitbahay na tumutulong sa pag-aasikaso sa loob ng nirerentahan niyang bahay.
Sa isang pahayag, sinabi ng LFS-UP Los Banos na ang pagpatay kay Echanis ay manipestasyon ng paglobo pa ng bilang ng mga biktima ng extra-judicial killings sa bansa.
“Kaisa ng sambayanan, mariing kinokondena ng LFS-UPLB ang karumal-dumal na karahasan ng pulisya laban sa mga lider ng mga demokratikong kilusan at tahasang pagpatay sa mga walang kalaban-labang indibidwal. Malinaw na itong aktong ito ay bunga ng kultura ng extra-judicial killings na pinairal ni Duterte mula pa noong simula na siya ay maupo bilang pangulo. TAMA NA, SOBRA NA! ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG!,” wika ng LFS-UPLB.
Si Echanis ang nagsisilbing peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines. Bilang konsultant ay isinulong niya ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms sa Mindanao.
Siya rin ay isa sa mga aktibistang lumalaban para magkaroon ng reporma sa lupa. Minsan na rin niyang sinambit na ang Anti-Terrorism Law ng rehimeng Duterte ay paglabag sa karapatang pantao at bukana ng mga palusot ng pulisya para pumatay ng mga itinuturing na kritiko ng pamahalaan.
Iniimbestigahan na ng Novaliches Police Station ang krimen.