Nation

ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM BILL PASADO NA SA KAMARA

/ 13 August 2020

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nagsusulong ng implementasyon ng Alternative Learning System sa buong bansa.

Sa botong 224 pabor sa panukala at walang kumontra, lusot na sa third and final reading ang House Bill 6910.

Layunin ng panukala na bigyan din ng oportunidad sa edukasyon ang underserved sectors ng bansa, kabilang na ang out-of-school youth, persons with disabilities, indigenous people at senior citizens sa pamamagitan ng ALS.

Inilarawan ang ALS sa panukala bilang parallel learning system para sa informal, non-formal at indigenous bilang alternatibo sa formal education.

Target nito ang mga indibidwal na may problema sa oras, pisikal na pagdalo sa klase at maging pampinansiyal at iba pang balakid sa traditional classroom setting.

Ang ALS ay non-formal education, community-based at ginagawa sa community learning centers, barangay multi-purpose halls o maging sa bahay depende sa mapagkakasunduang oras ng estudyante at ng facilitator.

Nakasaad sa panukala ang pagtatayo ng isang ALS Community Center sa bawat munisipalidad o lungsod sa bansa na madaling mapuntahan.

Maaari ring gamitin ng Department of Education ang learning modules na naglalaman ng learning activities, gayundin ng pre- at post-assessments sa pagpapatupad ng ALS.