Nation

ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM BILL LUSOT NA SA BICAM

/ 18 September 2020

KINUMPIRMA ni Senate Committee on Basic Education, Culture and Sports Chairman Win Gatchalian na inaprubahan na ng bicameral conference committee ang panukala para sa Alternative Learning System o ang flexible education program.

“Aprubado na po ng Bicam ang Alternative Learning System Act. Maraming salamat sa lahat ng sumusuporta sa ating isinusulong. Malaking tulong ito para sa ating mga kababayan na makabalik sa pag-aaral at magkaroon ng pangalawang pagkakataon sa buhay,” pahayag ni Gatchalian.

Dadaan naman sa hiwalay na ratipikasyon ng Senado at Kamara ang panukala bago ma-i-transmit kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang lagda.

Sa sandaling maisabatas, tinitiyak sa panukala ang ‘equitable access’ sa pag-aaral para sa  ‘unreached, underserved, conflict-affected communities, at communities in emergency situations’.

Nakasaad sa panukala ang pagkakaroon ng ‘systematic, flexible and appropriate’ basic education programs sa labas ng formal school system.

Sa impormasyon ni Gatchalian, nasa 278,000 learners ang naka-enroll sa ALS ng Department of Education noong 2019.

Ang ALS ay community-based education na isinasagawa sa community learning centers, barangay multi-purpose halls o sa bahay depende sa napagkasunduang oras ng learner at learning facilitators.