ALS PROGRAM PALAKASIN PARA SA 4.5M OUT OF SCHOOL YOUTH — SOLON
IPINAALALA ni Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Education na ang Alternative Learning System Program ang sasalo sa mga batang hindi makakapag-enroll para sa academic year 2020-2021.
Sa datos ng DepEd, aabot sa apat na milyon ang kabataang hindi makakapasok ngayong taon dahil sa epekto ng Covid19 pandemic.
Gayunman, ayon kay Gatchalian, aabot pa ito sa 4.5 milyon dahil taon-taon ay may 500,000 bagong estudyante na dapat maidagdag sa datos.
“Discouraging itong information. Marami tayong kabataan na maiiwanan,” pahayag ni Gatchalian.
Iginiit ni Gatchalian na sa ngayon, ang tanging solusyon ay ang palakasin pa ang ALS dahil ito ang nagsisilbing ikalawang pagkakataon ng batang sa halip na mag-aral ay nagtatrabaho upang makatulong sa kanilang pamilya.
Sa datos ng DepEd, 2.75 milyon sa hindi nakapag-enrol ay mula sa mga pribadong paaralan na ang mga magulang ay posibleng mga overseas Filipino worker o iba pang nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.
“The ALS can encourage them to go back to school. In the short term, we need to strengthen our ALS to make sure this is available to everybody,” paliwanag ng senador.
Sa ngayon, hindi kuntento ang senador sa pagsusulong ng DepEd sa ALS dahil masyadong mababa sa ideal number ang enrollees nito.
“Ang ALS program na ito ang sasalo sa mga hindi makakapag-aral. Importante may mekanismo na sasalo sa kanila. ‘Di puwedeng putulan ‘yung paghihikayat na pumasok itong mga out-of-school youth,” pagdidiin ni Gatchalian.
“Sa ngayon, para sa akin kulang pa. Evident ‘yan sa mababang enrollment rate ng ALS na nasa less than 45.1 percent. We really need to ramp up the ALS program,” dagdag pa ng senador.