Nation

ALLOWANCE NG PASIG SCHOLARS MAKUKUMPLETO NA SA ENERO 2021

/ 28 December 2020

TINIYAK ni Pasig City Mayor Vico Sotto na maibibigay na sa susunod na buwan ang stipend ng mga iskolar ng lungsod matapos na hindi makumpleto ang pamamahagi ng limang buwang allowance dahil sa ‘budget technicalities’.

Ayon kay Sotto, tatlong buwang allowance pa lamang ang naibigay sa mga mag-aaral para sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.

Ang nalalabing dalawang buwan, para sa Enero at Pebrero, ay kabilang pa sa susunod na fiscal year kaya hindi magawan ng paraang mai-advance.

“Three months muna [ang] na-disburse. Sinubukan natin na five months kaso may teknikalidad sa budget,” sabi ni Sotto sa Twitter.

“[Hindi] natin magawan ng paraan para i-release ang Jan-Feb 2021 allowance habang fiscal year 2020 pa [lamang]. [We] will release as soon as possible this January,” dagdag niya.

Sa pinakahuling datos ng Pasig ay nasa 18,000 na ang kabuuang bilang ng mga iskolar, mas mataas ng 5,000 kumpara sa nakaraang taon.

Pinararami ni Sotto ang benepisyaryo ng academic scholarship sapagkat batid niyang mas maraming Pasigueno ang nangangailangan ng tulong upang makapagtapos ng pag-aaral. Minsan niya pang winikang kahit 75 lamang ang marka ng ibang estudyante ay maaari pa ring mag-aplay ng iskolarsyip dahil ang pamahalaan ay kumikilos para sa ikabubuti ng lahat, hindi lamang para sa iilan.

Upgraded na rin ang disbursement ng cash allowance sapagkat para mabawasan ang panganib na mahawaan ng Covid19 ay via PayMaya na ang pamamahagi nito.

Nagpasalamat naman si Sotto sa pag-intindi ng mga mag-aaral.

“Thank you for being patient with the processing, it really has been a very challenging nine months for everyone,” sabi ng alkalde.