Nation

ALLIED HEALTH PROFESSION STUDENTS IPINASASALANG SA TRAINING BILANG VACCINATORS

/ 22 January 2021

NAIS ni Senador Richard Gordon na maisama sa ‘pool of  vaccinators’ ang allied health professionals at non-medical professionals, gayundin ang mga estudyante ng mga kursong kahanay nito.

Sa kanyang Senate Bill 1987, isinusulong ni Gordon ang pag-amyenda sa Republic Act 2382 o ang The Medical Act of 1959.

Ipinaliwanag ni Gordon na ang problema sa Covid19 ay tuluyan lamang masasawata sa pamamagitan ng tamang bakuna na maibibigay sa sapat na laki ng populasyon upang makamit ng bansa ang herd immunity.

“With the development of a number of vaccines for the prevention of Covid19 disease, countries are faced with the daunting challenge of administering the vaccine to a record number of people,” pahayag ni Gordon sa kanyang explanatory note.

Aminado ang senador na malaking hamon sa bansa ang pagbakuna sa 50 hanggang 70 milyong tao dahil na rin sa hindi kaaya-ayang record ng Department of Health sa immunization.

Sa datos, sa target na pagbakuna sa 95 percent ng child population, noong 2016 ay nasa 70 percent lamang ang nabakunahan habang noong 2017 ay 67 percent; 66 percent noong 2018 at 69 percent noong 2019.

Sa target na 50-70 milyong taong mababakunahan, kailangang makapagtayo ang DOH ng 4,512 delivery sites na may 13,536 vaccination teams.

Ang bawat team ay bubuuin ng anim na tao kung saan ang vaccinator ay doktor o nurse o midwife subalit lumilitaw sa record na kapos ang DOH sa mga healthcare worker na maaaring gumawa nito.

Sa panukala, isasalang na rin sa training bilang vaccinators ang iba pang professionals tulad ng dentists, veterinarians, medical technologist, pharmacists, psychologists, at iba pang health professionals at non-medical professionals at mga estudyante ng naturang professions.

Alinsunod sa panukala, ang paggamit sa mga ito ay limitado sa panahon ng pandemya at depende sa ibibigay na special authorization ng Secretary of Health.