“ALISIN NA ANG MISCELLANEOUS FEES” MOTHER-LAWYER UMALMA SA MATAAS NA SINGIL NG UST
Trending sa Facebook ang bukas na liham ng ina at abogadong si Atty. Emillie Gemanil-Espina para sa Unibersidad ng Santo Tomas, tungkol sa kaniyang pagkuwestiyon sa mataas na singil ng miscellaneous fees kahit na ang kalakhan ng mga bayarin ay hindi na magagamit pa ng mga mag-aaral sapagkat ang iskema ng edukasyon sa paparating na akademikong taon ay online na.
“Ngayong panahon ng pandemya, na hindi na papasok ang aming mga anak sa pamantasan, para saan ang aming ibabayad sa iba’t ibang nakalistang bayarin na naka-impose sa assessment ng aming mga anak?” Tanong ni Atty. Espina sa ekslusibong panayam ng The POST.
Ibinahagi niyang hindi naman sila umaangal nitong mga nakaraan taon tungkol sa tuition dahil nakikita naman nilang nagagamit ang lahat ng pasilidad para sa pagpapaunlad ng mga kasanayan at kaalaman. Subalit ngayon, na nahaharap tayo sa krisis at na tahasan naman batid ng kalakhan na hindi na personal na makapupunta sa mga aklatan at laboratory ang mga mag-aaral, ang libo-libong singil ay tila hindi makatarungan. “Napakalinaw na ngayong panahon ng pandemya, ni pagpasok sa paaralan ay hindi magagawa ng aming mga anak,” diin niya.
Ayon kay Atty. Espina, sinasabi sa RA 6728, ang batas para sa pagpapatakbo ng mga pamantasan sa Filipinas, 70% ay para sa pasahod ng mga pakuldad at non-teaching staff at 20% naman sa “operating expenses”. At kung sasabihin ng UST na tuloy ang paniningil ng miscellaneous fee para sa pagpapanatili ng mga pasilidad at pasahod sa mga kawani nito, tila lumalabag sila sa mandato ng batas.
Panoorin ang una sa dalawang bahagi ng ekslusibong panayam ng The POST kay Atty. Espina.