AKTIBASYON NG DEPED COMMONS ACCOUNT UMARANGKADA NA
PARA mas makapaghanda ang mga guro sa paparating na akademikong taon ay sinimulan na ng Kagawaran ng Edukasyon ang pag-aaktiba ng mga DepEd Commons Account nitong Agosto 12.
Sa memorandum na ipinaskil ni Undersecretary Alain Pascua, nakasaad na kailangan nang aktibahin ng mga guro ng mga pampublikong paaralan ang kani-kanilang DepEd Commons Account para magsimula na ang opisyal na akses sa kompilasyon ng mga materyal pampagtuturo na magagamit sa modular blended learning.
Sa DepEd Commons ina-upload ang mga suhestiyong power point, modules, babasahin, at audio-visual materials mula Baitang 1 hanggang 12, sa lahat ng mga kursong nakaangkla sa bagong balangkas ng Most Essential Learning Competencies.
Lahat ng mga anunsiyo, pahayag, at mahahalagang impormasyong makatutulong sa mga paaralan ay dito na rin ihahatid ng DepEd.
“Paghahanda ito para sa unified sign-in at access sa iba pang mga paparating na administrative at learning systems sa ilalim ng #DigitalRise Program,” sabi ni Pascua.
Sa pag-uurong ng pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 mula Agosto 24, hindi pa rin magkamayaw
sa paghahanda ang mga kaguruan sa buong Filipinas.
Tuloy pa rin ang TV test broadcast ng DepEd sa IBC13 at SOLAR Channel, pati ang mga webinar at online training lakip ng mga programa sa ilalim ng #SulongEdukalidad.