AGRIKULTURA PALAKASIN SA MGA KABATAAN — SOLON
ISINUSULONG ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos ang panukala para sa promosyon ng agrikultura sa mga kabataang Pinoy.
Sa kanyang House Bill 7085 o ang proposed Kabataan Para sa Pagsasaka Act, sinabi ni Delos Santos na bagama’t agrikulturang bansa ang Filipinas, patuloy ang pagbagsak ng bilang ng mga Filipino na pumapasok sa agriculture industry.
Sinabi ng kongresista na maraming isyu ang nakaaapekto sa sektor ng agrikultura, kabilang na ang Covid19 pandemic.
“The continued rise in our country’s population has become a more relevant concern as the challenge of food security considering the current state of our agricultural sector’s capacity,” pahayag pa ng mambabatas sa kanyang explanatory note.
Iginiit ni Delos Santos na mahalaga ang mag-invest sa agriculture sector at promosyon ng rural development at agricultural research para sa food security.
Batay sa panukala, bubuo ng national network ang higher education institutions na magbibigay ng agricultural courses.
Mandato naman ng Commission on Higher Education na maglaan ng pondo para sa priority scholarship program sa mga undergraduate, masters at doctoral program na may kinalaman sa agrikultura.
Magbibigay rin ang CHED ng subsidiya sa mga higher education institution upang tumaas ang enrollment sa agriculture-related programs.
Para naman sa promosyon ng agricultural skills ng kabataan sa rural areas, ang Department of Agriculture-Agricultura Training Institute, katuwang ang Technical Education and Skills Development Athority, ang babalangkas ng training programs, kabilng na ang leadership, capacity building at business management.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng Youth Resource Centers for Agriculture upang tulungan ang kabataan sa pag-aaral at practical application ng agriculture at iba pang agri-related programs.