Nation

AGRI GRADUATES BIBIGYAN NG LUPANG PANSAKA

/ 3 December 2020

LAHAT ng magsisipagtapos sa anumang kursong pang-agrikultura ay bibigyan ng tatlong ektaryang lupang taniman ng Department of Agrarian Reform upang mabilis nilang maisapraktika ang lahat ng natutunan sa paaralang pinagtapusan.

Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, ang tatlong ektaryang lupain ay para mahikayat ang mga magsisipagtapos na ipagpatuloy ang industriya ng agrikultura, partikular ang pagsasaka, nang sa gayo’y magkaroon ng ‘continuity’ ang hanapbuhay na pinagkadalubhasaan ng mga Filipino.

Sinabi pa ni Castriciones na ang average age ng magsasaka ngayon ay nasa 57 taong gulang. Labing-isang milyong magsasakang Filipino ang malapit at senior citizen na at mayroong pangambang kung hindi sila susundan ng bagong henerasyo’y tuluyang mamamatay ang agrikultura sa buong Filipinas, 15 taon mula ngayon.

Sa pamimigay ng lupa, inaasahan ng DAR na mapipigilan ang nasabing pangamba. Maaaring ang mga ipamamahagi ay maging ‘farm laboratories’ – pampananaliksik at pamproduksiyon na rin.

Dagdag pa, ang panghihikayat sa agriculture graduates ay makatutulong para hindi magkaroon ng mababang suplay ng pagkain ang bansa.

“This incentive will also serve as an impetus for the attainment of the country’s food security,” dagdag pa niya.