Nation

AFP MAKIKIPAGDIYALOGO SA MGA UNIBERSIDAD

/ 8 February 2021

SA GITNA ng kontrobersiya na nilikha ng pagbasura kamakailan ng Department of National Defense sa 1989 accord  sa University of the Philippines na nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok sa mga campus nito, inihayag ng Armed Forces of the Philippines ang pakikipagdiyalogo sa iba pang mga unibersidad upang maayos ang isyu na may kinalaman sa ‘academic freedom’.

Ang hakbang na ito ng DND ay binatikos ng ilang sektor dahil isa umano itong pagbalewala sa ‘academic freedom’.

Ayon kay bagong AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana, kailangang mag-usap ang militar at ang mga unibersidad upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.

Sinabi ng heneral na maganda ang inisyal na pag-uusap ng DND at UP noong isang linggo dahil simula ito ng pagbuo ng mekanismo upang maisulong ang adhikain ng magkabilang panig.

Sa panig, aniya, ng militar, walang problema sa kanila na pabayaan lang ang mga paaralan na isulong ang malayang edukasyon.

Magugunitang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang problema ay ang malawakang recruitment ng New Peoples’ Army sa UP na nagtatago sa likuran ng ‘academic freedom’.