AFP INTEL CHIEF SINIBAK SA ‘WOW MALING NPA LIST’
INALIS sa pwesto ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang intelligence officer na naglathala sa mga pangalan ng mga dating mag-aaral sa isang kilalang unibersidad na kasama umano ng mga miyembro ng New People's Army na namatay sa military operations .
INALIS sa pwesto ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang intelligence officer na naglathala sa mga pangalan ng mga dating mag-aaral sa isang kilalang unibersidad na kasama umano ng mga miyembro ng New People’s Army na namatay sa military operations.
Ang pagsibak kay MGen Alex Luna bilang Deputy Chief of Staff for Intelligence ng Armed Forces of the Philippines ay epektibo kahapon, Enero 28.
Ayon sa kalihim, nagmula sa opisina ni Luna na J2 intelligence operations ang maling listahan ng mga NPA member na napatay ng militar, gayundin ang mga personalidad na nag-aral umano sa University of the Philippines.
Sa nasabing listahan ay kasama umano ang isang dating estudyante na namundok at napaslang.
Ikinagalit ni Lorenzana ang pagkakamali at iginiit na hindi niya ito maaaring palagpasin.
Para sa kanya, isa itong kapabayaan sa trabaho kaya dapat mapanagot si MGen Luna.
Matatandaang kumalat ang listahan ng umano’y mga NPA na napatay ng militar na umani ng batikos dahil ang ibang nasa listahan ay maling pangalan habang ang iba naman ay buhay pa.
PAGSIBAK SA AFP INTEL CHIEF SUPORTADO NG MGA MAMBABATAS
KINATIGAN ng ilang mambabatas ang pagsibak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Major General Alex Luna dahil sa inilabas nitong maling listahan ng mga sinasabing alumni ng University of the Philippines na umanib sa New People’s Army.
Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, dapat lamang na papanagutin ang opisyal na nagkamali upang maibangon ang imahe ng buong sandatahang lakas.
“Tama ang pasiya na panagutin ang pagkakamali dahil imahen at reputasyon ng buong AFP bilang isang professional at disiplinado na institusyon ang nadungisan sa pangyayari,” pahayag ni Pangilinan.
Sinabi naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na long overdue na ang pagsibak sa Intelligence chief at dapat na rin umanong sumunod sina Lt. Gen. Antonio Parlade, Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
“If we will follow Lorenzana’s premise, then more military officials should also be axed including himself, AFP Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. and National Security Adviser Hermogenes Esperon who falsely tagged individuals and even us as NPA supporters,” pahayag ni Brosas.
“More heads must roll over this persistent and shameless red-tagging by the Duterte regime. Luna cannot be just a sacrificial lamb,” dagdag niya.
Hinimok din ni Brosas ang Commission on Audit na magsagawa ng audit sa paggamit ng intelligence at confidential funds ng militar.
Kinatigan din ito nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite na iginiit na dapat nang buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
“Kahit sino pa ang ipalit sa posisyon na iyan, hanggang patuloy ang red-tagging, harassment, habang nandiyan ang NTF-ELCAC at hangga’t patuloy ang mga atake mula mismo kay Pangulong Duterte, hindi titigil ang karahasan at hindi mababawasan ang mga biktima ng mga atake na katulad ng nangyari sa mga UP graduates at buong UP Community na pinaratangan nilang sumapi sa NPA at recruitement grounds umano ng mga NPA,” sinabi ni Castro.