ACT: MGA NAWALANG ORAS SA PAG-AARAL DAPAT PUNAN
DAPAT punan ng pamahalaan ang 53 araw na nawala sa pag-aaral ng mga estudyante, ayon sa Alliance of Concerned Teachers.
Ginawa ng ACT ang panawagan kasunod ng lumabas na datos mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) kung saan umabot sa 53 araw ang nawala mula sa aktuwal na pag-aaral ng mga bata dahil sa iba’t ibang class disruption noong School Year 2023-2024.
Kabilang dito ang labis na mataas na heat index at mga kalamidad.
Ayon sa ACT, ito ay sintomas ng malalang krisis sa edukasyon sa Pilipinas, kasama ang ibang mga problema sa ilalim ng public school system.
Bilang rekomendasyon, sinabi ng grupo na kailangang magkaroon na ng komprehensibong reporma sa naturang sektor.
Kinabibilangan ito ng pagtaas sa budget na nakalaan sa sektor ng edukasyon, maayos na programa para sa pagtatayo at pag-aayos sa mga eskwelahan, pag-hire ng mas maraming mga guro ay non-teaching personnel, at pagbawas sa mga administrative work ng mga guro.
Ayon sa grupo, kailangang simulan na ngayon ng pamahlaaan na ipatupad ang naturang mga reporma upang matigil na ang sunod-sunod na problema sa sektor ng edukasyon na isa sa mga salik kung kaya mababa ang lebel ng komprehensiyon ng mga mag-aaral.