ACADEMIC BREAK SUPORTADO NG MGA GURO
NAGPAHAYAG ng suporta ang isang grupo ng mga guro sa mga panawagan ng deklarasyon ng academic break upang makatulong umano sa pagbangon ng mga pamilyang nasalanta ng magkakasunod na kalamidad.
Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition, bago pa man magkaroon ng sunod-sunod na bagyo ay may ilang paaralan na ang nagpatupad ng academic break kagaya ng Philippine Science High School. Sa kasalukuyan naman ay ipinatutupad ng University of the Philippines ang suspensyon ng lahat ng klase at anumang academic activities mula Nobyembre 16 hanggang 21. Samantala, ang lungsod ng Marikina ay nagdeklara ng suspensyon ng klase hanggang Disyembre 16.
“‘Yung academic ease na sinasabi ng DepEd ay hindi sapat dahil may mga gawaing pampaaralan pa rin ang mga bata na kailangang gabayan ng kanilang mga magulang. Hindi ito praktikal sa panahong hindi pa lubos na nakaahon ang mga apektado ng bagyo at baha, uunahin pa ba nila ang pagsagot sa module o pagdalo sa online class sa halip na maghanap ng makakain o maglinis ng bahay na nalubog sa putik?” pahayag ni Benjo Basas, national chairperson ng TDC.
Ayon sa DepEd, hindi na nito maaaring mapagbigyan ang ganitong kahilingan sapagkat nauna nang na-adjust ang school calendar at ito ay magtatapos sa Hunyo 2021.
“Kung ang ilang mga institusyon gaya ng UP ay nagpatupad ng academic break, bakit hindi ito magagawa ng DepEd at CHED sa mga lugar na matinding naapektuhan ng kalamidad? Noon ngang bago pa tumama ang bagyo sa tingin ko ay kailangan ng pahinga ng mga bata, magulang at guro, lalo na ngayon na walang internet, koryente at tubig at maaaring nalubog sa tubig ang modules at gadgets. Hindi naman ito maaaring ibilad lang at plantsahin,” pagtatapos ni Basas.
Inaasahan pa rin ng TDC na kinokonsidera ng DepEd ang pagpapatupad ng academic break hanggang sa Nobyembre 30.