ACADEMIC BREAK IPAUBAYA SA LGUs — SEN. GO
IPINAUBAYA ni Senador ‘Bong’ Go sa mga lokal na pamahalaan ang deklarasyon ng suspensyon ng klase sa kani-kanilang nasasakupan sa gitna ng mga kalamidad na nanalasa sa bansa at patuloy na Covid19 pandemic.
“No face-to-face learning naman tayo, no vaccine, no face-to-face learning, ibig sabihin andun lang tayo sa mga bahay. So, discretion na po ng LGU ‘yan kung gusto nila magkaroon ng suspension,” giit ni Go.
Inihalimbawa niya ang lungsod ng Marikina na nagdeklara ng isang buwang suspensyon dahil marami sa mga modules ang nabasa sa baha.
“‘Yung iba namang lugar na hindi tinamaan, baka hindi naman kailangan at masasayang lang ang school year kung magkaroon ng academic break, so discretion na po ng LGUs in their respective areas,” dagdag ng senador.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Go ang mga estudyante na nagsasagawa ng protesta para sa kanilang panawagan na academic break na may limitasyon ang kanilang mga karapatan.
“Alam niyo mga estudyante, karapatan nyo po, karapatan n’yo pong magsalita, magreklamo pero wala po kayong karapatan na pabagsakin ang gobyerno na pinili ng tao. Respetuhin n’yo muna ang ating gobyerno, ang ating administrasyon, hintayin n’yo lang po na matapos ang termino ng ating Pangulo sa 2022,” sabi pa niya.
“Uulitin ko, ang mga nag-avail ng scholarship, Filipino kayo karapatan n’yo ‘yan to avail the scholarship of the government. Karapatan n’yo po magreklamo, magsalita pero wala po kayong karapatang pabagsakin ang gobyerno, gobyernong nagtatrabaho at nagmamalasakit sa kapwa Filipino,” dagdag pa niya.