ACADEMIC BREAK INALMAHAN NI GATCHALIAN
NANINDIGAN si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na hindi kailangan ng academic break sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region at apat na lalawigan.
Sinabi ni Gatchalian na mas maluwag na mga polisiya naman ang umiiral sa ilalim ng ECQ sa NCR Plus bubble.
“Itong ECQ na tinatawag, eh hindi naman talaga ECQ. Ito ay parang MECQ, ang ibig sabihin ang tao ay puwedeng lumabas, puwede naman silang magtrabaho at puwede naman silang pumasok sa kanilang pinagtatrabahuhan. May ilang industriya na hindi pinayagan magbukas pero ito ay iilan lang,” paliwanag ni Gatchalian.
“Ibig sabihin, ang tao ay may trabaho at ang tao ay may pinagkakakitaan. Kaya ako, hindi po ako sang-ayon dito sa academic break na tinatawag dahil ang bata, kailangang natututo,” diin pa ng senador.
“Kung matatandaan natin, isang taon nang hindi pumapasok ang bata at kapag ang bata ay patuloy na bibigyan ng break at hindi sila mag-aaral ay talagang makakalimutan na nila ang kanilang pinag-aralan,” pagpapatuloy pa ng mambabatas.
Ipinaliwanag pa niya na ang school year ngayon ay hindi naman maituturig na full school year.
“Kung makikita natin ang curriculum, hindi naman ho siniksik ng DepEd ang kanilang pag-aaral. Mahaba rin, sa isang araw mahaba na ang apat o limang oras sa pag-aaral. Yung ibang oras ginagamit sa ibang bagay,” diin ng senador.
Sa mga kolehiyo naman, sinabi ni Gatchalian na nasa administrasyon na kung nais nilang magpatupad ng academic break.
“Dito po sa mga kolehiyo, kasama po doon sa guidelines na hindi na ho sila papapasukin nang face-to-face. Ibig sabihin, lahat po ng nasa kolehiyo, wala na pong face-to-face classes. Ngayon marami sa ating kolehiyo ang ginagawa po nila ay ang tinatawag nating online. At since nasa bahay lang naman ho sila ay puwede nilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral,” sabi pa ni Gatchalian.
“Ngayon, depende na sa kolehiyo ngayon kung tingin nila ay mas kakailanganin pa ng mas mahabang break para sa kanila,” dagdag pa niya.