ABS-CBN FREQUENCIES GAMITIN SA DISTANCE LEARNING – LADY LAWMAKER
BINUHAY ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy ang mga panawagan upang gamitin ang bakanteng frequencies ng ABS-CBN network para sa distance learning sa gitna ng Covid19 pandemic.
Inihain ng kongresista ang House Resolution 1175 upang hikayatin ang mga kasamahan na pag-aralan ang mga hakbangin para magamit ang mga frequency.
Sa kanyang resolusyon, ipinaliwanag ng lady solon na may 42 television stations, 10 digital broadcast channels, 18 FM radio stations at limang AM radio station ang ABS-CBN.
Binigyang-diin pa ni Herrera-Dy na una na ring inanunsiyo ng network na handa silang ipagamit ang kanilang media assets para sa educational at child development programs.
Sinabi pa ng kongresista na sa gitna ng pagpapatupad ng online learning, nasa 40 porsiyento ng public universities at colleges sa buong bansa ang wala pa ring access sa internet.
“The DICT, DepEd and CHED can efficiently utilize ABS-CBN’s vacant television and radio frequencies as an alternative mode for distance-learning considering the extensive nationwide reach of the broadcast network,” pahayag pa ni Herrera-Dy sa kanyang resolusyon.
Una nang inilutang ni House Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte ang paggamit sa mga istasyon ng Kapamilya network para sa distance learning.