98 POLICE TRAINEES SA BAGUIO TINAMAAN NG COVID19
SIYAMNAPU’T walong police trainees mula sa Philippine Public Safety College ng Police Training Institute, Cordillera Administrative Regional Training Center at Teacher’s Camp ang nagpositibo sa Covid19.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ito ay batay sa ulat ng city health department.
Batay sa liham ni Police Lt. Col. Miguel Guzman, training officer, pansamantalang sinuspinde ang lahat ng aktibidad, pagsasanay at ibang education-related events sa training camp.
Kasabay nito ang pagsasagawa ng contact tracing at isolation at quarantine protocols sa mga apektadong trainee.
Inatasan din ni Magalong ang safety officer na magkaroon ng koordinasyon sa contact tracing team para matukoy kung dapat isailalim ang lahat ng personnel sa testing, isolation, at quarantine.
Sinabihan din ng alkalde si Guzman na maging mahigpit sa lagusan ng training camps upang maiwasan ang paglawak ng Covid19 cases sa police trainees.