9,467 PANG PASAY LEARNERS TATANGGAP NG CASH AID
MULING mamamahagi ng P3,000 financial assistance ang Pasay City government sa mga mag-aaral sa lungsod.
Sa record, nasa 9,467 learners mula sa limang elementary at high school sa lungsod ang panibagong batch ng mga benepisyaryo ng ayuda na ipagkakaloob ng pamahalaang lungsod.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga panibagong benepisyaryo ay nakapagsumite na ng mga kaukulang dokumento para sa cash aid na nakatakdang ipamahagi mula Hunyo 15 hanggang Hunyo 18.
Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang matatanggap na P3,000 ayuda ng mga estudyante ay para sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang 1,298 estudyante sa Gotamco Elementary School; 1,481 sa Andres Bonifacio Elementary School; at 1,857 sa President Corazon Aquino National High School.
Ang 2,070 estudyante ng P. Burgos Elementary School ay pagkakalooban ng ayuda sa Hunyo 16 at 17, habang ang P. Zamora Elementary School na may 2,766 benepisyaryo ay makatatanggap ng financial assistance sa Hunyo 16 hanggang Hunyo 18.
Iniulat naman ng lokal na Department of Education na kinukumpleto na rin ng dalawa pang eskuwelahan sa lungsod ang mga kinakailangang dokumento para sa 12,000 estudyante ng mga ito na tatanggap din ng ayuda.