90% NG MGA GURO SA NCR BAKUNADO NA VS COVID-19
HALOS 90 porsiyento na ng kabuuang bilang ng mga guro sa National Capital Region ang fully vaccinated laban sa Covid19, ayon sa Department of Education.
Sinabi ni DepEd NCR Regional Director Wilfredo Cabral na aabot sa 85,000 ang kabuuang bilang ng mga guro sa rehiyon.
Sa pagbaba ng alert level sa Metro Manila hanggang Pebrero 15, inaasahan namang babalik na ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa ilang eskuwelahan.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng DepEd na ibabalik ang in-person classes kung bababa ang alert level sa NCR.
Nilinaw naman ni Cabral na kailangang bakunado ang mga guro bago dumalo sa face-to-face classes.
Bagaman sisimulan na ring bakunahan ang mga may edad 5 hanggang 11, sinabi ni Cabral na ipatutupad pa rin ang social distancing sa loob ng mga classroom.
“Doon po sa pagbabakuna, ang tinitingnan natin in the future is that hindi talaga tayo makakabalik na isang buong klase, ‘yung ating 7 by 9 na classroom, ay pupunuin mo katulad ng sitwasyon pre-pandemic na mayroon itong pinaka-mataas ay 45 students,” ani Cabral.