Nation

9 PUBLIC SCHOOLS SA MAKATI GUMAGAMIT NA NG SOLAR PANELS

/ 2 April 2023

SA GITNA ng banta ng pagnipis ng reserba ng enerhiya dahil sa pagtaas ng konsumo bunsod ng mainit na panahon, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Makati ang paggamit ng solar panels sa mga pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na siyam na pampublikong eskwelahan sa lungsod ang mauuna munang gagamit ng solar panels.

Sa paglulunsad ng proyekto ng solar panel sa San Antonio National High School, binigyan ng importansya ni Binay ang “walking the talk” pagdating sa pag-promote ng sustainability at raising awareness sa epekto ng climate change.

Sa ilalim ng naturang proyekto, aabot sa 25 elementary at high schools sa lungsod ang nakatakdang gumamit ng solar panel at ang San Antonio National High School ang isa sa mga unang makikinabang at magkakaroon ng fully-operational solar panels.

Kabilang sa mga nauna na ring gumanit ng solar panels ang Makati High School, East Rembo Elementary School, Makati Elementary School, Pembo Elementary School, San Antonio Village Elementary School, Nicanor Garcia Elementary School, Tibagan High School, at Rizal Elementary School.

Ang benepisyong makukuha sa paglalagay ng solar panels ay ang pagpapababa ng konsumo at kabayaran sa koryente sa lahat ng eskwelahang lalagyan nito na makakukuha ng enerhiya mula sa araw.

Sa ulat ng San Antonio National High School, 88 porsiyento o katumbas ng 3644 kWh na kanilang kinokonsumo ngayong enerhiya ay nanggagaling sa nakolektang solar power energy habang 12 porsiyento (498 kWh) na lamang ang kanilang nagagamit na koryente mula sa Meralco.