Nation

89 SUCs TUMANGGAP NG P25-M SA ILALIM NG BAYANIHAN 2

/ 24 October 2021

KINUMPIRMA ni Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera III na 89 sa mahigit 100 state universities and colleges sa bansa ang tumanggap ng P25 milyong grants sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act.

Sa pagtatanong ni Senador Joel Villanueva sa pagdinig sa Senado, sinabi ni De Vera na ang pondo ay para sa pagtatayo ng smart campuses upang makatugon ang mga SUC sa pangangailangan ng panahon, partikular ngayong pandemya.

Iginiit ni De Vera na ang grants sa pamamagitan ng tseke ay naipamahagi sa mga SUC bago pa ang June 30.

Alinsunod sa batas, hanggang June 30 lamang ang bisa ng lahat ng probisyon, partikular ang paglalaan ng pondo sa iba’t ibang serbisyo.

Gayunman, ipinaliwanag ni De Vera na nagkaroon din ng problema sa pagpopondo sa mga tseke sa ilang Department of Budget and Management regional offices.

Ito ay nang igiit ng DBM Regional Offices na may probisyon sa Bayanihan 2 na nagbabawal sa inter-governmental transfers lagpas ng June 30.

“The position of the commission is that these are not inter-governmental transfers because the use of money is not determined by CHED anymore. We are giving the SUCs money to implement their projects and some of the SUCs had already started pre-procurement,” diin ni De Vera.

Idinagdag ng opisyal na sumulat na rin sila sa DBM upang liwanagin ang isyu at naghihintay pa sila ng aksiyon mula sa main office.