Nation

80 PINOY STUDENTS TANGGAP SA U.S. UNIVERSITIES

/ 13 June 2021

NAKUMPLETO na ng 80 Filipino learners ang virtual pre-departure orientation upang tuluyan nang makapasok sa Estados Unidos makaraang tanggapin sila ng mga unibersidad doon para mag-aral.

Sa pahayag ng US Embassy sa Manila, nagkaroon sila ng real-time survey habang isinagawa ang virtual pre-departure orientation noong Hunyo 10 at halos kalahati ng nakilahok ay nakatanggap ng financial aid mula sa kanilang mga paaralan na nagkakahalaga ng P57 million o katumabas ng $1.2 million.

Ang mga outgoing Filipino student ay mga undergraduate at graduate na tinanggap ng iba’t ibang unibersidad sa Estados Unidos para sa higher education.

Pinuri naman ni U.S. Embassy in the Philippines Chargé d’Affaires John Law ang mga mag-aaral makaraang matagumpay na matanggap sa US universities.

“I want to thank you in advance for the contributions you will make to enriching US campuses and classrooms,” pahayag ni Law sa virtual event.

Ang orientation ay sumagot sa mga katanungan hinggil sa international study at pagbiyahe sa gitna ng pandemya habang ito rin ang hudyat upang makabalik na sa in-person classes.