700-BED PGH EXTENSION SA DILIMAN TARGET NG UP
TARGET ng University of the Philippines na itayo na ang isa pang sangay ng Philippine General Hospital sa Diliman, Quezon City para palawigin ang kapasidad ng pagtanggap ng mga pasyente at magdagdag ng College of Medicine.
Sa hearing ng Senado sa panukalang 2021 budget ng State Universities and Colleges, sinabi ni UP President Danilo Concepcion na kailangan nila ng inisyal na P9 bilyong pondo para sa pagtatayo ng 700-bed capacity hospital.
Gayunman, inamin ni Concepcion na hindi nakasama ang pondong ito sa kanilang P19.67 billion proposed 2021 budget para sa UP dahil batay sa rekomendasyon ng National Economic Development Authority, mas makabubuting isailalim ito sa Public-Private Partnership Program.
“Kung mayroon pong magkakainteres for PPP, iro-roll out natin ito before the end of the year,” sabi ni Concepcion kasabay ng pahayag na dalawang feasibility study ang kanilang ginawa na ang una ay natapos noong Setyembre 2019 at ang pangalawa ay matatapos ngayong buwan.
“’Yung PGH-Diliman ay kailangang-kailangang itayo dahil hindi na tayo maaaring mag-expand sa UP Manila campus ng PGH. Pero kinakailangan po nating lakihan ang ating ospital para dumami ang mga pasyente at nang sa gayon ay lumaki rin ang capacity ng ating College of Medicine at gamitin ng kanilang estudyante para sila ay ma-train at maging doktor,” pahayag ni Concepcion.
Sinabi ni Concepcion na magkakaroon ng College of Medicine at Cancer Reasearch Center sa planong itayong UP-PGH Diliman.
“Madodoble natin halos ang dami ng estudyante natin sa College of Medicine. Ito po ay magandang preparation na rin for our next crisis when it comes to health crisis kung magkakaroon ulit ng pandemic,” dagdag ni Concepcion.
Agad namang pinuna ni Senadora Cynthia Villar ang proyekto at iginiit na mas kailangan ng imprastraktura sa UP-Los Baños dahil walang government-operated hospital sa Southern Luzon.
Sinabi naman ni Concepcion an pinag-aaralan na rin nila ang pagtatayo ng ospital sa Southern Luzon at maging sa Mindanao.
“Dalawa na po ang aming pinag-aaralan na itatayo, isa sa Los Baños or malapit doon. Ang isa pa naming pinag-aaralan is another hospital, another PGH in Mindanao. So, dalawa ang nasa drawing board po ngayon,” diin ni Concepcion.