Nation

7 GURO PINARANGALAN NG KWF

/ 5 October 2022

PITONG guro mula elementarya hanggang kolehiyo ang ginawaran ng parangal ng Komisyon sa Wikang Filipino sa isang seremonya na ginanap sa Hotel Lucky Chinatown, Binondo, Maynila nitong Oktubre 4.

Ang mga ito ay tinaguriang Ulirang Guro sa Filipino 2022 dahil sa pagpapakita ng mahusay na pagtuturo at pagpapalaganap ng wikang Filipino sa kanilang mga estudyante.

Kinilala ni KWF Tagapangulong Arhur P. Casanova, PhD, ang mga awardee na sina Gladys M. Jovellano, nagtuturo sa Bagacay Elementary School sa Romblon; Warren A. Norberte, Philippine Normal University; Dr. Alma T. Bautista ng Santos Ventura National Highschool, sa Mabalacat, Pampanga; Dr. Cristina D. macascas, PNU; DR. Alvin Rom De Mesa, ng Leyte Normal University; Dr. Lita A. Bacalla, ng Cebu Normal University; at Dr. Rowena C. Largo ng Cebu Normal University.

Sinabi ni Casanova na napili ang mga pito dahil sa malaking ambag nila para lumawak ang kaalaman ng kanilang mga mag-aaral sa tamang paggamit ng wikang Filipino.

Ang mga awardee ay manunulat, edukador at nag-akda ng mga libro para linangin ang kaalaman sa sariling wika at panrehiyong diyalekto.

Naging susing tagapagsalita si Dr. Felicitas E. Pado, Metrobank Foundation Outstanding Teacher of the Philippines 1991 at UP-Natatanging Guro Awardee 2013.

Si Benjamin M. Mendillo Jr., PhD, Fulltaym Komisyoner ng KWF para sa Pangasiwaan at Pananalapi, ang naglatag ng bating pagtanggap habang pinangunahan ni Carmelita C. Abdurahman, EdD, Fulltaym Komisyoner Para sa Programa at Proyekto, ang Pambukas ng Gawad, gayundin ang Pampinid na Pananalita.

Inawitan naman ni Angelica Eleazar ang mga awardee at panauhin habang umindak para sa nasabing okasyon ang KWF Bayle.