Nation

64% NG BIKTIMA NG GENDER-BASED VIOLENCE KABATAAN — SENATOR

/ 9 March 2021

ISINUSULONG ng mga babaeng  senador ang pagbuo ng mga hakbangin na tutugon sa gender-differentiated needs at iba pang public health concern ng mga babae, partikular ang mga kabataan sa panahon ng emergencies at disasters.

Ang Senate Bill 2088 o ang proposed Gender Responsive and Inclusive Pandemic Management Act of 2021 ay inihain nina Senadora Risa Hontiveros, Nancy Binay, Pia Cayetano, Leila de Lima, Imee Marcos, Grace Poe at Cynthia Villar sa araw mismo ng pagdiriwang ng International Women’s Day nitong Lunes.

Sa kanya namang privilege speech sa pag-eendorso ng panukala, ipinaliwanag ni Hontiveros na kabilang sa mga pangunahing laban ng mga babae ay ang gender-related violence, economic disempowerment, ang wala sa oras na pagbubuntis dahil sa kawalan ng maayos na serbisyong kalusugan at human trafficking.

“Ito po ay babae at bayanihan. Ito ay isang pagtugon sa mga natuklasan ng UN Women on the multiple ways that women are differently impacted by our public health crisis,” paliwanag ni Hontiveros.

Tinukoy pa ni Hontiveros ang ulat ng Women’s Legal and Human Right Bureau hinggil sa gender-based violence kung saan simula noong July 2020 hanggang February 2021,  pinakamalaking bahagi o 34 percent ng mga biktima ay mga kabataan na may edad 13 hanggang 18, habang 30 percent ay 19 hanggang 25 anyos.

“Nang unang magpataw ng lockdown, na siyang itinuturing na isa sa pinakamahigpit sa buong mundo, may malinaw na pagtaas ng bilang ng gender-based violence. Bakit? Dahil ang ilang mga babae ay naging bantay-sarado na ng kanilang mga abuser. Bakit ulit? Dahil work-from-home ang mga empleyado at distance learning ang mga kabataan,”diin pa ng senadora.

“Ibig sabihin, mas mahirap humingi ng saklolo mula sa mga katrabaho, kaibigan, at kamag-anak. Kung dati ay nakakapunta ang mga babae sa barangay hall para kumuha ng barangay protection order, ngayon, dahil sa takot sa infection, hindi na lang — tinitiis na lang ang pagmamalabis sa bahay,” dagdag pa ni Hontiveros.

Binigyang-diin pa ni Hontiveros na maging ang online sexual abuse ay lumala dahil halos lahat ay naging netizens na at maging ang chat apps ay ginagamit para sa palitan ng nude photos.

“Minsan nga ay business na ito. Nabalitaan namin ang tinatawag nilang ‘Team Lapagan’ — o lapagan ng mga maseselang larawan ng mga kababaihan. Ang laman nito ay kadalasang mga kuha ng kanilang mga karelasyon o dating karelasyon,” dagdag ng senadora.