600,000 SIM CARDS IPAMIMIGAY NG DICT BAGO MATAPOS ANG 2025
MANILA– Department of Information and Communications Technology (DICT) planong mamigay ng mahigit 600,000 na sim cards bago matapos ang taong 2025 sa ilalim ng proyektong Bayanihan Sim Project.
Sa isang meet and greet ngayong araw, Hunyo 26, sinabi ni DICT Undersecretary Faye Condez-de Sagon na magkakaroon ng akses ang mga mag-aaral at kani-kanilang pamilya sa 25GB na internet connection sa ilalim ng naturang insiyatibo.
“We are targeting to distribute about 600,000 sim cards by the end of the year, but the total number of sim cards to be distributed is at 1,008,000 sim cards by next year,” sabi ni de Sagon.
Sa pamamagitan umano ng suporta ng mga nangungunang telco services sa bansa na Globe, Smart, at DITO ay magpapatayo ang mga ito ng cell towers sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) upang masiguro ang mainam na internet connectivity.
“Besides sa pagpapamigay ng sim cards kasama na rin dito ang pagpapatayo ng ilang mga common towers. So, bawat isang telco ay may commitment po sila sa atin na magtatayo sila ng tower sa mga far-flung areas na talagang wala [cell towers],” dagdag pa ni de Sagon.
Ang isang sim card ay mayroon umanong 25GB na internet connection at ito ay automatic renewal kada-buwan matapos ang activation nito.
Ayon kay de Sagon, mayroong 3M na budget ang DICT para sa buong proyekto at target umano nilang mabigyan ang 5M benepisyaryo kasama ang bawat mag-aaral pati ang kanilang mga pamilya pagkatapos ng kabuuan ng proyekto.
Bukod sa naunang distribusyon sa Bulacan ngayong araw, susunod namang pupuntahan ng DICT ang Bani National High School Coto Annex sa Masinloc, Zambales, at San Nicolas Integrated School sa General Luna, Quezon Province. [END]